Pasado na sa Committee on Overseas Affairs ng Kamara de Representantes ang substitute bill ng mga panukalang magtatatag ng Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sa pagdinig ng komite kahapon, sinabi ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza, chairman ng nasabing komite na layunin ng panukala na tiyaking ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong naglalayag ay maprotektahan sa pamamagitan ng nararapat na kondisyon sa trabaho, makatuwirang kontrata at sapat na oportunidad sa kanilang propesyon.
Tinalakay din sa pagdinig ng Komite ang mga huling kaganapan hinggil sa paglubog ng Gulf Livestock 1, isang United Arab Emirates cargo vessel, sa karagatan ng Japan lulan ang 39 na Pilipinong marino kung saan, dalawa ang nakaligtas at isa ang nasawi at patuloy pa ring isinasagawa ang search and rescue operations sa natitira pang 36 na mga marino.
Napag-alaman din sa hearing na naglaan na ang pamahalaan ng pondo para sa ayuda na ibabahagi sa pamilya ng mga biktima tulad ng death and burial benefits, livelihood benefits, ayudang pinansyal at scholarship para sa isang dependent hanggang sa siya makapagtapos sa kanyang pag-aaral.
Samantala, inaprubahan din ng Komite ang mosyon ni MARINO Party-list Rep. Macnell Lusotan upang buuin ang isang task force para mag monitor sa isinasagawang search and rescue operations sa hinahanap na mga marino.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas