Saturday, October 17, 2020

-Maagang pagkapasa ng 2021 pambansang badyet ng Kamara, pinapurihan ni Speaker Velasco

Pinapurihan at pinasalamatan ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa pagka-apruba sa pangatlo at pinal na pagbasa, at ipinasa sa tamang oras, ang 2021 General Appropriations Bill o 2021 GAA.


Sinabi ni Velasco na bagamat nagkaroon ng magkakaibang pananaw ay pinatunayan ng mga mambabatas na maaari silang magkasundo at sama-samang magtrabaho para matagumpay na magampanan ang isang mahalagang tungkulin.


Ang House Bill 7727 o ang 2021 GAB na magpopondo ng P4.5-trilyon sa pamahalaan sa susunod na taon ay ganap nang inaprubahan noong nakaraang Biyernes ng 257 na boto ng mga mambabatas na pumapabor, anim na botong hindi pabor, at walang abstensyon.


Ang pag-apruba sa panukala ay bunga ng apat na araw na walang humpay na deliberasyon sa special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pagpasa ng pambansang badyet.