Thursday, October 22, 2020

-Karagdagang P1 bilyon para sa mental health services, hiniling ng isang kongresista

Batay sa Mental Health Law, kailangan ng pamahalaan ang agresibong hakbang para matustusan ang mental health services upang pasiglahing humingi ng tulong ang sinumang may sakit sa pag-iisip.


Hinikayat ni Rizal Rep. Fidel Nograles ang gobyerno na gawing accessible ang mental health services dahil maraming Filipino ang pinahihirapan ng mental issues sa gitna ng pandemiya.


Ayon kay Nograles, sa 2021 national budget mayroong P615 million lamang na alokasyon ang Department of Health para sa National Mental Health Program.


Subalit umaasa ang mambabatas na makatatanggap ang programa ng karagdagang P1 bilyon piso na iminungkahi ng mga miyembro ng Kongreso sa bicameral conference committee.


Ayon sa isang Special Initiative ng World Health Organization o WHO, sa unang bahagi ng 2020, may 3.6 million mga Filipino ang dumaranas ng isang uri ng mental, neurological, at substance use disorder.


Umaasa si Nograles na madagdagan ang pondo para sa mental health services.