Sinuportahan ng Kamara de Representantes ang kautosan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang malawakang imbestigasyon sa mga bintang na katiwalian sa buong gobyerno.
Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na nauunawaan nila sa kapulungan na ginawa ng Pangulo ang kautusan dahil sa kanyang pagkadismaya sa walang humpay na katiwalian sa gobyerno, at ang liderato ng Kamara ay nakikiisa sa Pangulo sa kanyang layunin na linisin ang burokrasya sa mga tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan hanggang sa katapusan ng kanyang termino.
Ayon kay Velasco, napakahalaga ring banggitin na iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon matapos ang walang tigil na pagbatikos sa Kamara dahil sa pakikipagsabwatan diumano ng ilang mambabatas sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways.
Nakalulungkot, dagdag pa ng Speaker, na ilang mga mamababatas ang nasasangkot sa diumano’y katiwalian at nadamay na ang buong institusyon dahil sa kontrobersiya.
Dahil dito, dapat pahintulutan umano nila ang anumang ahensya na magsisiyasat hinggil sa usapin dahil ang anumang pag-iimbestiga na isasagawa ng Kamara ay hindi magiging makatarungan at maaaring pagmulan lamang ng pagdududa.