Friday, October 16, 2020

-Deliberasyon na P860.50 milyon budget ng CHR para sa taong 2021, tinapos na kagabi

Maghahatinggabi na ng matapos ang debate kagabi sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukalang P860.50-million budget ng Commission on Human Rights (CHR) na isinulong ni Rizal Rep. Michael John Duavit sa plenaryo.


Bagamat mas malaki ang panukalang badyet ng ahensya sa susunod na taon kumpara sa kasalukuyan nilang pondo na P819.86-million ay isinusulong pa rin ng mga mamababatas na madagdagan pa ang kanilang pondo upang: 1) mapabuti ang kanilang mandato sa paghahatid ng serbisyo para sa karapatang pantao; 2) pag-ibayuhin ang mga hakbang sa pangangalaga ng kanilang mga talaan; 3) lumikha ng mga bagong plantilla positions sa ahensya; at 4) maayos na pagpapatupad ng Mental Health Act at Anti-Terrorism Law.


Nababahala naman si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa alokasyon ng CHR sa rehiyon ng halagang P1-milyon kada taon kumpara sa orihinal na panukala na P5-milyon.


Ayon kay Dimaporo, umaasa siya na ang ika-18 Kongreso, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, maibabalik ang pondong P5-milyon para sa tatlong rehiyon ng Mindanao na may mataas na insidente at pagkilos ng terorismo --- ang Rehiyon 9, 10, at 12.