Nananawagan ngayon si House Majority Leader Martin Romualdez sa kanyang mga kasamahang mambabatas na sa kanilang pagdaos ng special session sa a-13 hanggang a-16 ng Oktubre, ang pangunahing tatalakayin nila ay ang pagpasa sa pangatlo at pinal na pagbasa ng 2021 General Appropriations Bill o GAB.
Nauna rito, tinanggap ng Kongreso ang Proclamation No. 1027 mula kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes na nanawagan para sa isang special session upang talakayin ang Budget Bill at sertipikahan ito bilang isang urgent measure.
Sinabi ni Romualdez na sa kanyang pakikipag-usap kay Executive Secretary Salvador Medialdea kahapon, inulit ng huli na ang panawagan ng Pangulo ay upang buksan muli ang deliberasyon ng proposed national budget.
Ayon kay Romualdez, ang pulitika kagaya ng speakership issue ay maaari na nilang talakayin kung tapos nang maipasa ang national budget para maseguro ang isang smooth transition sa kapulungan.