Sinang-ayunan ni ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing libre ang Beep card para sa lahat ng Pilipino, ngunit idinagdag niya sa mungkahi na gawin na ring all-around card ito, at hindi lang para sa pampublikong transportasyon.
Idinagdag pa ni Taduran na maaaring ikabit na rin dito ang pagbayad sa mga grocery, gamot at sa mga fast food.
Ayon sa kanya, ang mungkahi ng Pangulo ay napapanahon lalo pa at kailangan ng walang physical contact o hawakan sa ano mang transaksyon, at hindi kakayanin ng mga mamamayan ang dagdag na gastusin sa pagbabagong ito.
Gawin aniyang parang debit card ang Beep card sa kanyang proposal, na lahat ng transaksiyon ng mga tao ay ipadaan na sa card na ito lalo na kung gagawing libre ito ng pamahalaan.
Itulad aniya ito sa Octopus card ng Hong Kong na mula sa public buses, ferries, train at taxi, at nagagamit din ang card para sa pagbili sa convenience stores, fast food at parking.
Naging kontrobersiyal ang Beep card makaraang biglang itaas ang presyo nito ng mga pribadong kumpanyang nagbebenta nito nang sabihin ng Department of Transportation na hindi makakasakay sa EDSA Busway system ang mga walang Beep card.