Monday, October 12, 2020

-2021 budget, siniguro ng mga lider ng Kamara na agad maipapasa

Nagkaisa ang mga lider ng magkakaibang partido sa Kamara na trabahuhin muna ang agarang pagpasa sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) bukas sa Special Session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Special Session ay para sa pag-apruba ng National Budget, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque at na ang panawagan ng Pangulo sa mga Kongresista ay isantabi muna ang pulitika.


Nilinaw ni Roque na hindi makikialam ang Pangulo sa anumang isyung pampulitika sa Kamara, kasama na ang umano’y mga pagkilos para patalsikin ang kasalukuyang Speaker, Alan Peter Cayetano, at ilagay sa pwesto si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.


Sa virtual press conference kahapon na dinaluhan nina Deputy Speaker (DS) LRay Villafeurte, House Minority Leader Benny Abante, AnaKalusugan Party-list Rep. Michael Defensor, DS Prospero Pichay, Caloocan City Rep. Edgar Erice ng Liberal Party at Cavite Rep. Pidi Barzaga ng National Unity Party, binatikos nila ang pagpupumilit umano ng kampo ni Velasco na isingit ang isyu ng Speakership.


Ang gulong dulot ng agawan sa pwesto ang mismo umanong iniiwasan ng liderato ng Kamara kaya nito sinuspinde ang Session noong nakaraang linggo.


Nagpasalamat din ang mga pinuno ng Kamara sa malinaw na direktiba ng Pangulo na ang budget lamang ang pag-usapan sa Special Session.