Thursday, September 17, 2020

-Social assistance program sa 2021 budget ng DSWD, palalakasin at pabibilisin sa gitna ng krisis pangkalusugan

Matapos tiyakin ng mga opisyales ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang kanilang mga social assistance programs, kasama na ang Social Amelioration Program (SAP) ay kanilang palalakasin at mamadaliin sa susunod na taon, nirepaso ng Committee on Appropriations sa Kamara ang panukalang badyet ng kagawaran na nagkakahalaga ng P171.22-bilyon para sa 2021.


Kasama sa kanilang badyet ang pondo na nakalaan para sa kanilang mga kaakibat na ahensya na tumaas ng 4.39 percent kumpara sa kasalukuyang badyet na nagkakahalaga ng P164.02-bilyon.


Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista na bahagi ng panukalang badyet ng kagawaran sa 2021 ay nakatuon sa ilang pagbabago sa programa para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Programs, Supplemental Feeding Programs at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services, Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KALAHI-CIDDS-KKB).


Ang programang 4Ps ang may pinakamalaking pondo sa mga pangunahing programa ng DSWD na nagkakahalaga ng P113.8-bilyon, upang patuloy na magawaran ng ayuda ang may 4.4 milyong mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng tulong-pinansyal, edukasyon at ayuda para sa pangkalusugan.


Kinuwestyon ng ilang miyembro ng Komite ang mga opisyales ng kagawaran sa pagkaantala ng pamamahagi ng ikalawang yugto ng SAP 2.


Nilinaw naman ni DSWD Usec Danilo Pamonag na sa kasalukuyan ay nakapamahagi na sila ng may kabuuang P82-bilyon sa 13 milyong pamilya sa buong bansa at umaasa ang DSWD na ang lahat ng mga benepisaryo ay matutulungan matapos na makumpleto ang kanilang talaan sa pagpoproseso ng mga kinakailangang dokumento.