Sa naging pahayag ng mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr) na luwagan ang pagpapairal ng physical distancing na pinaiiral sa mga pampublikong transportasyon, kinuwestyon ng Committee on Appropriations sa Kamara de Representantes ang desisyon ng kagawaran.
Pinagpaliwanag ni Iloilo Rep. Janette Garin sa pagdinig ng badyet ng departamento sa susunod na taon ang kanilang desisyon na luwagan ang distansya ng mga pasahero sa 0.3 metro mula isang metro sa mga susunod na buwan, samantalang tumataas ang bilang ng mga manggagawa na pumapasok na sa kani-kanilang mga trabaho at sumasakay sa mga pampasaherong sasakyan.
Sa kanyang sagot, tiniyak ni Transportation Arthur Tugade na ang desisyon nila ay hindi magiging dahilan para lumala ang sitwasyon at pagkalat ng COVID-19 kapag naipapatupad lang ng maayos ang pamantayan sa pangkalusugan.
Sinabi ng kalihim na maipapakita ng kagawaran na ang usaping pangkalusugan at pangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan ay hindi malalagay sa panganib kapag mahigpit na ipinatutupad ang paggamit ng face mask, face shield, parating paghuhugas ng kamay, pagbabawal sa pag-uusap, pagkain at paggamit ng cellphones, pagbabawal sa mga asymptomatic at mga senior citizens sa mga pampublikong sasakyan.
Nilinaw niya na ang pagpapaluwag ng social distancing ay desisyon hindi lamang ng kagawaran, kungdi pati na rin ng Inter Agency Task force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Batay sa nakaraang presentasyon ng Development Budget Coordination Committee on the 2021 National Expenditure Program, ang ahensiya ay makakatanggap ng alokasyon na nagkakahalaga ng P143.6 bilyon o pampito sa mga kagawaran na may pinakamalalaking badyet para sa taong 2021.
Mataas ito kesa sa pambansang pondo nito na P100.6-bilyon ngayong 2020.