Ang mga mamamahayag at iba pang manggagawa sa media ay nalalapit nang magkakaroon ng buong proteksyon sa kanilang pagta-trabaho matapos aprubahan ng House Committee on Labor and Employment House ang House Bill 2476.
Pinapurihan ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena NiƱa Taduran, may-akda ng panukalang batas na tinatawag na Media Workers Welfare Act, ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso sa mabilisang aksyon sa naturang panukala na magbibigay ng dagdag lakas sa tinatawag na Fourth Estate.
Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng manggagawa sa media ay mabibigyan ng suweldong naaayon sa batas, magkakaroon ng security of tenure o hindi basta matatanggal sa trabaho, bibigyan ng karampatang hazard at overtime pay kasama pa ang benepisyo ng insurance, at iba pang benepisyo.
Ayon pa kanya, kailangang umanong matanggal na sa industriya ng media ang contractual services na walang katapusang nire-renew lang kahit matagal nang nagta-trabaho ang isang media worker, dahilan para hindi siya magkaroon ng mga benepisyong naaayon sa batas.
Idinagdag pa niya na kailangan din daw bigyan sila ng dagdag na bayad kapag naaatasang magtrabaho sa mga delikadong pangyayari at dapat may mga equipment na bibilhin ng kumpanya para masiguro ang kanilang kaligtasan, hindi ‘yung kanya-kanya ng bili o sariling gawa lang ang mga media workers para maprotektahan ang kanilang sarili.