Wednesday, September 02, 2020

-Panukalang libreng pagpapalibing sa gitna ng pandemya, aprubado na

Napakasakit para sa mga miyembro ng pamilya na mawalan ng mahal sa buhay subalit mas pinabibigat pa lalo ang kalagayan lalo pa kung napakaliit lang ng kinikita para gamitin sa panggastos sa pagpapalibing, kaya’t inaprubahan na sa Committee on Poverty Alleviation sa Kamara ang substitute bill ng House Bill 5249 na naglalayong ilibre na ang pagpapalibing sa mga pumanaw na kaanak ng labis na mahihirap na pamilya sa buong bansa.


Nilalayon rin ng panukalang iniakda ni Rep. Carlos Isagani Zarate (Party-list, BAYAN MUNA) na gawaran naman ng 50 porsyentong diskwento sa pagpapalibing ang mga “indigent families”.


Ayon kay Zarate, ang mga labis na mahihirap na pamilya ay nabibilang sa mga pamilyang kumikita lamang ng mas mababa sa minimum wage na itinakda sa mga rehiyon kung saan sila nakatira, samantalang ang “indigent family” naman ay nabibilang sa mga pamilya na kumikita naman ng sapat na minimum wage na itinakda sa mga rehiyon kung saan sila nakatira.


Sa iba pang usapin, bumuo ng technical working group ang Komite na pinamumunuan ni Chairman Rep. Dale “Ayong” Malapitan (1st District, Caloocan City) para pag-isahin ang mga magkakahalintulad na panukala na naglalayong itatag ang isang pambansang istratehiya na nakabatay sa pag-unlad ng mga lokalidad para sa paglago at pangangalaga ng ahensya at departamento ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at iba pang sangay ng pamahalaan na ipatupad ang kanilang mga proyekto, kaganapan at programang panglipunan.


Ang mga panukalang ito ay ang House Bill 4407 ni Rep. Maximo Dalog Jr. (Lone District, Mountain Province), HB 4470 ni Rep. Lianda Bolilia (4th District, Batangas), HB 4764 ni Rep. Allen Jesse Mangaoang (Lone District, Kalinga), at HB 5250 ni Rep. Jocelyn Sy-Limkaichong (1st District, Negros Oriental).