Sa pagsisimula ng pagbalangkas kahapon sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) sa gitna ng nararanasang pandemya sanhi ng COVID-19, nanawagan si Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap sa mga kapwa niyang mambabatas ng suporta para sa maagang pagpasa ng P4.506-trilyon na panukalang badyet para sa susunod na taon.
Sa paghahain ni Yap ng panukalang HB 7727, ginamit niya ang mga katagang isinusulong ng Kamara na – “rebound, reset and recover” mula sa mga naranasang hirap ng mga mamamayang dulot ng pandemya, at umahon sa lugmok na ekonomiya.
Ang pag-apruba aniya ng 2021 GAB sa tamang panahon ay magtitiyak sa pamahalaan, sa pamamagitan ng mga proyekto at programa na makabawi sa mga layunin nito.
Ang pondong ito, ayon kay Yap, ay sumasalamin sa mga hangarin ng mga mamamayan na makaahon sa hirap na idinulot ng pandemya at makabawi sa mga pangyayari para sa ating kabuhayan, gayundin sa kaunlaran ng ating ekonomiya.
Samantala, tinalakay naman ni Committee Vice Chairman Rep. Joey Salceda ang General Principles ng 2021 GAB sa plenaryo.
Nang tinanong si Salceda hinggil sa kung kinakailangan pa bang baguhin ang badyet, lalo na sa mga inisyatibo na direktang makakaapekto sa pag-ahon sa ekonomiya, iginiit niya na, sa pananaw niya aniya, sapat na umano yung kinakailangang suporta ng national budget, bilang instrumento ng national policy, at instrumento ng pagpapalago ng ekonomiya.
Idinagdag pa ni Salceda na ang oversight agencies, kasama ang Department of Finance (DOF) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay mayroong mandato na iulat ang lahat ng mga utang panglabas ng bansa sa panahon ng krisis pangkalusugan.