Inaprubahan na sa Kamara de Reresentantes ang apat na panukalang batas na naglalayong magtatatag ng mga development authorities sa buong bansa.
Aprubado sa dalawang Komite na pinamumunuan nina Ctte on Govt Enterprises and Privatization Chairman ParaƱaque City Rep. Eric Olivarez at Ctte on Local Govt Chairman Tarlac Rep. Noel Villanueva ang ibat ibang panukala sa ilalim ng mga sumusunod: House Bill 21 na magtatatag sa Mega Cebu City Development Authority at iniakda ni Cebu City Rep. Raul del Mar; HB 201 na magtatatag sa Metro-Bataan Development Authority ni Bataan Rep. Jose Enrique Garcia III; HB 432 na magtatatag sa Metro Cagayan De Misamis Development Authority ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez; at HB 7181 na magtatatag sa Metropolitan Davao Development Authority ni Davao City Rep. Isidro Ungab.
Ipinaliwanag ni Olivarez na ang mga naturang tanggapan ay may kahalintulad na tungkuling ginagampanan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na naglalayong lutasin ang mga karaniwan at katulad na suliraning nararanasan ng mga namumunong pulitiko at tagapamahala ng mga naturang lungsod at bayan.
Idinagdag pa ng mambabatas na hinihikayat ng mga panukala ang mga pagbabago at pagtatatag ng mga epektibong solusyon na napatunayan na sa lokal at pandaigdigang suliranin na may kaugnayan sa mabilis na pag-unlad tulad ng polusyon sa tubig at hangin, kapayapaan at kaayusan, kawalan ng trabaho, problema sa basura at ang paglaganap ng mga iskwater sa mga daanan ng tubig at liwasan.
Bilang isang kinatawan mula sa Metro Manila, sinabi ni Olivarez na may personal siyang kaalaman at karanasan kung papaano ang mabilis na pag-unlad sa kalunsuran ay nakakaapekto sa kaban ng bayan.
Naniniwala siya na sa pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan ay makakamit ang kaginhawaan hindi lamang sa direktang benepisyo at kita, kundi pati na rin sa mga programa at proyektong pangkaunlaran na ginagarantiya ng Local Government Code upang malutas ang karaniwang mga usapin.