Sunday, September 27, 2020

-Pagka-antala ng mga proyektong pang-irigasyon, siniyasat sa Kamara

Inimbestigahan ng Committee on Agriculture and Food sa Kamara na pinamunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang pagkaantala ng mga proyektong pang irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA) batay sa iilang mga resolusyong inihain ng mga mambabatas.


Ayon sa Commission on Audit (COA), hindi anila nasunod ang maayos na plano at pagpapatupad ng mga proyekto na umaabot sa 299 projects ng irigasyon na nagkakahalaga ng P20.704-bilyon, batay sa mga ulat na hindi maayos na pagganap ng mga kontratista, naglalakihang kontrata na hindi natapos, at ang pagdaragdag ng oras para sa kontrata.


Ipinaliwanag ni NIA Administrator Ricardo Visaya na ang kanilang mga proyekto ay labis na naapektuhan ng ibat ibang kadahilanan tulad ng: 1) Pagapapairal ng ECQ,  2) Kakulangan o pagtaas ng presyo ng mga materyales, 3) Usapin ng ‘Right of Way’, 4) Pagkaantala ng pagpapalabas ng Environmental Compliance Certificates (ECC), 5) Problema sa rebelyon, 6) Pagkaantala ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM), at 7) Paiba ibang taunang badyet ng ahensya na nakakaapekto sa pagpapanatili ng kanilang proyektong pang-irigasyon.


Dahil dito ay inirekomenda ni Isabela Rep. Antonio Albano na dagdagan ang badyet ng NIA para sa 2021 upang hindi maantala ang mga prayoridad na proyekto na lubhang napakahalaga sa kaseguruhan ng pagkain sa buong bansa lalo na sa panahon ng pandemya.


Sinimulan ding talakayin ng Komite ang HR 672 na inihain ni Committee Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing na magrerepaso sa usapin kung naniningil ba ang NIA ng mataas na presyo sa halagang P3.45 kada kubiko metro sa CE Casecnan Water and Energy Company, Inc., samantalang nagbebenta naman sila ng tubig sa First Gen Hydro Power Corporation sa halagang P0.062 kada kubiko metro.


Nakatakdang talakayin ng magkasanib na Committee on Agriculture and Food at Committee on Energy sa Kamara ang usapin sa susunod nilang pagdinig.