Wednesday, September 23, 2020

-Pagdideklara ng BTVWW2 bilang pampublikong tanggapan, inaprubahan na sa Kamara

Inaprubahan na sa Committee on Veterans Affairs and Welfare na pinangunahan ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang substitute bill sa House Bill 2603 na naglalayong ideklara ang Board of Trustees for the Veterans of World War II (BTVWWII), bilang isang pampublikong tanggapan at ang kanilang pondo bilang pampublikong pondo.


Ang panukala ay iniakda ni Antipolo City Rep. Resurreccion Acop na nagsabing wala nang dahilan pa para hindi payagan ang Commission on Audit (COA) para tuusin o eksaminin ang pondo at paggasta ng board sa ngalan ng transparency at public accountability. 


Ang Republic Act 3518 ang nagtatag sa BTVWWII bilang isang pribadong tanggapan kaya’t ang pondong inilaan dito ay kinonsiderang pribadong pondo.


Inaprubahan din ng Komite ang House Resolution 1157 na nagbibigay parangal kay Quartermaster 2nd Class (QM2) Raymond Joseph Olley sa kanyang kabayanihan sa Pilipinas noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.


Ipinaganak si Olley noong ika-2 ng Abril, 1923 sa Hillsdale, New Jersey, United States at lumahok siya sa US Navy noong 1942.


Sa kasagsagan ng digmaan, siya, kasama ang iba pang mga beteranong Amerikano, habang sakay ng Landing Ship 311 ay kanilang binaybay ang Leyte, Mindoro, Bataan, Corregidor, Pangasinan at Mindanao.


Sa Battle of Leyte ay nagpakita siya ng katapangan habang nakikipag bakbakan sa mga Hapon para sa mga Pilipino.


Nang siya ay mamalagi sa Pilipinas matapos ang digmaan ay madalas niyang ikwento kung gaano niya kamahal ang Pilipinas.


Dahil sa kanyang kabayanihan ay nagkamit siya ng ibat ibang pagkilala at medalya ng katapangan tulad ng Philippine Liberation Ribbon W/2 Stars, at World War II Victory Medal.


Ang resolusyon ay iniakda ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes.