Tinapos na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ang pagbalangkas sa panukalang P22.4-bilyong badyet ng Department of Trade and Industry (DTI) at ang mga ahensyang nasa ilalim nito para sa susunod na taon.
Ngunit, sa pangunguna ni Committee on Appropriations Vice Chairman at Bukidnon Rep. Manuel Zubiri, na nagsulong ng badyet ng DTI sa plenaryo, kasama ang iba pang mga mambabatas ay nanawagan sila ng karagadagang pondo upang tugunan ang mga pangangailangan sa pag-ahon ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa nararanasang pandemya.
Sinabi ni Zubiri na ang MSMEs ang pangunahing tagasulong ng lokal na ekonomiya na kinabibilangan ng 90 por syento ng lahat ng negosyo sa buong bansa.
Ayon pa sa kanya, ang panukalang 2021 badyet ng DTI ay maaaring magsilbing tagapagligtas ng MSMEs, ngayong 40 por syento ng mga negosyo sa panahon ng lockdown ay “nagsara na, kasalukuyang nagsasara o malapit nang magsara.”
Para sa taong 2021, layunin ng DTI na isulong ang e-commerce at plano nilang buksan ang ekonomiya sa 100 por syentong kapasidad at maseguro ang pag-unlad ng mga maliliit na negosyo, habang umaayon sa new normal.