Ipinasa na ng Committee on the Welfare of Children sa Kamara na pinamumunuan ni Chairperson Rep. Yedda Marie Romualdez (Party-list, TINGOG SINIRANGAN) ang substitute bill sa House Bill 3472 na naglalayong isulong ang mga karapatan ng mga inabandonang kabataan na walang pagkakakilanlang mga magulang.
Sa ilalim ng panukala na iniakda ni Rep. Ronnie Ong (Party-list, ANG PROBINSYANO), kikilalanin ng estado ang mga abandonadong kabataan bilang natural-born Filipino citizens at kagyat na igagawad sa kanila ang mga karapatan at proteksyon bilang bahagi ng lipunan.
Bilang proteksyon sa mga kabataan, sinumang mapapatunayang lumalabag at umaabuso sa kanilang mga karapatan at kapakanan ay may kaakibat na kaparusahan.
Pinasalamatan ni Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas, ang mga nagsusulong at sumusuporta sa panukalang “Foundling Welfare Act”, na kanyang inaasahan na mangangalaga at magbibigay proteksyon sa mga abandonadong kabataan sa buong bansa.