Sunday, September 06, 2020

-Maling paggamit ng IRM sa Philhealth, patuloy par rin inimbistigahan

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng pinagsanib na Komite ng Public Accounts at Good Government and Public Accountability sa Kamara hinggil sa umano’y katiwalian sa PhilHealth, ginisa ng mga mambabatas ang mga opisyales nito dahil sa maling paggamit ng pondo ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na inilaan umano para sa mga biktima ng COVID-19.


Isiniwalat ni Marikina City Rep Stella Quimbo na 712 pasilidad na ang nakatanggap ng IRM funds, at 458 dito ay nai-liquidate na hanggang ika-10 ng Agosto, subalit 346 dito o kabuuang 75 porsyento nito ay walang kaugnayan sa sakit dulot ng COVID-19.


“Sa madali’t sabi, ang pondong inilaan para sa COVID-19 ay hindi nagamit ng wasto,” ayon pa kay Quimbo.


Binatikos ni Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep Jesus Crispin Remulla ang PhilHealth sa paglalaan ng pondo ng IRM sa mga pasilidad na hindi gumagamot ng mga kaso ng COVID-19 tulad ng mga dialysis centers.


“Bakit ninyo kailangan paghalu-haluin ‘yung pondo ng gobyerno? Itong pondong ito, dapat IRM pang-COVID. Itong pondong ‘to ay dapat pambayad ng utang . . . ngayon, hinalo-halo ninyo ang pondo. Technical malversation ‘yun, malinaw na malinaw,” ani Remulla naman.