Nanawagan si Rep. Nina Taduran (Party-list, ACT-CIS) sa kanyang privilege speech sa mga kapwa niya mambabatas ngayong araw sa plenaryo na suportahan ang kanyang panukalang House Bill 2476 o ang “Media Workers’ Welfare Act”.
Ayon kay Taduran, isang dating broadcast-journalist, layunin ng panukala na tiyakin ang propesyunal at kaginhawaan ng mga naglilingkod sa larangan ng Media.
Inihalimbawa ng mambabatas ang mga nararanasang panganib ng mga manggagawa sa Media tulad ng pagbabanta sa kanilang buhay, panggigipit at paminsan ay humahantong pa sa pananakit o pagpatay.
Idinagdag niya na ang mga naglilingkod sa Media ay hayagang nakikipagtulungan sa pamahalaan upang labanan ang kasalukuyang pandemya sanhi ng COVID-19, at naging bahagi na ng mga “frontliners” na nakalantad sa panganib ang kanilang kalusugan.
Isinusulong ni Taduran sa kanyang panukala ang isang komprehensibong benepisyo, seguridad sa trabaho, at hazard pay para sa mga manggagawa ng Media dahil na rin sa kanilang mapanganib na tungkulin.
Samantala, isinusulong naman ni Rep. Cristal Bagatsing (5th District, Manila) ang pagpapalakas sa industriya ng tela na lubhang naapektuhan ng pandemya at nanganganib na magresulta ng malawakang tanggalan sa trabaho sa mga manggagawa sa industriya.
Nanawagan si Bagatsing sa mga ahensya ng pamahalaan na isulong ang Filipino First policy at bigyang kahalagahan ang mga lokal na manggagawa na magsusuplay ng labis na pangangailangan ngayon ng bansa sa face masks at personal protective equipment.