Tuesday, September 15, 2020

-2021 budget ng DepEd, nakatuon sa distance learning sa harap ng new normal

Sa pagtalakay ng panukalang badyet ng para sa taong 2021 ng Department of Education (DepEd) sa Kamara de Representantes kahapon, nakita na tumaas ng 9.5% o nagkakahalaga ng P605.74 bilyon kumpara sa P552.99 bilyon lamang na badyet para sa kasalukuyang taon ng kagawaran.


Tiniyak ni Education Secretary Leonor Briones na habang naninibago ang sektor ng edukasyon na mai-akma sa new normal ang kalagayan ng akademya ay kanilang itatakda ang plataporma upang mapag-aralan ang mga bagong teknolohiya para sa pagpapatupad ng distance learning.


Sinabi ni Secretary Briones na kanila umanong nakikinita ang kinabukasan ng ating edukasyon at a lam daw nila na ang ating mga gusali at mga kagamitan ay hindi na angkop sa makabagong sistema ng pag-aaral kapag tayo ay sumulong na sa new normal.


Hinikayat ni Majority Leader Juan Miguel Macapagal Arroyo ang DepEd na tiyakin ang wastong paggamit ng internet connection, lalo na sa mga paaralang nasa kanayunan.


Samantala, nangako si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa DepEd na tutulong siya sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga panukala upang magawaran ng ayudang pinansyal para sa internet connections ang mga guro sa pampublikong paaralan.