Masusing siniyasat ng Committee on Agriculture and Food ng Kamara ang mga programa, proyekto at mga plano ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na taon sa gitna ng krisis pangkalusugan na nararanasan ng bansa.
Ngunit tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar sa Komite na malaki ang pag-asa at paniniwala ng kagawaran sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangingisda, dahil sa antas na 1.6 por syentong pagpapalawak simula nang second quarter ngayong taon, sa kabila ng nararanasang pandemya at pagsasara ng sistema ng mga produksyon at pamamahagi ng pagkain sa mamamayan.
Sinabi ni Secretary Dar na patunay ito na kayang umangat ng sektor ng sakahan at pangisdaan sa bansa basta’t nabibigay ng tama at mabilis ang tulong at suporta ng kagawaran na nakalaan para sa kanila katuwang ang ating mga kaagapay sa kaunlaran.
Ipinagbigay-alam ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing sa DA na ang pamamahagi ng abono at pananim sa mga magsasaka ng palay ay labis na naantala.
Ang mga magsasaka ay napipilitang mangutang o magsangla ng mga pananim at abono na siya nilang ikinalulugi, ayon pa kay Suansing.
Tumugon naman si Dar sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Kamara, sa pagtatatag ng “integrity circles” upang maiwasan ng mga magsasaka ang pagbebenta ng mga ayudang natatanggap nila mula sa pamahalaan.
Ang “integrity circle” ay kabibilangan ng mga kinatawan ng gobyerno, pribadong sektor, mga samahan sa komunidad at iba pang may kaugnayan sa pagseseguro at pagpapalakas ng mabuting pamamahala sa industriya.
Samantala, sinabi ni Bataan Rep. Geraldine Roman na ang paglahok ng Kamara sa lahat ng mga inisyatiba ng DA ay dapat na maging malinaw.
Ayon kay Roman, kailangan umanong gampanan ng Kongrso ang oversight functions nito upang matiyak na ang mga proyekto ng kagawaran ay kapakipakinabang, hindi napo-politika at talagang makakatugon sa mga pangangailangan ng ating mga nasasakupan.
Ang pagdinig sa pamamagitan ng online ay pinamunuan ni Committee Chairman at Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga.