Sunday, August 23, 2020

-Underspending sa industriya ng asukal sa panahon ng pandemya, inimbistigahan

Kinuwestyon sa House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep Wilfrido Mark Enverga ang usapin hinggil sa mababang paggasta at underspending sa pondo ng tanggapan ng Sugar Regulatory Administration o SRA sa panahon ng pandemyang sanhi ng COVID-19.

Ang imbestigasyon sa SRA ay batay sa House Resolution 225 na inihain ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano.


Ayon sa resolusyon, isinabatas ang Republic Act 10659 o ang Sugarcane Industry Development Act (SIDA) noong 2015 at pinondohan ang industriya ng asukal ng P2 bilyon.


Ngunit ang taunang pondo ng SRA ay bumaba ng P67 milyon sa kasalukuyang taong 2020 dahil sa underspending.


Ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay labis na nakakaapekto sa produksyon at kakayahan ng industriya ng asukal sa bansa.


Dahil dito, nais ng mga mambabatas na magsagawa ng masusing pag-aaral sa ipinaiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SIDA sa Technical Working Group (TWG) upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka ng asukal at mga manggagawa sa bukid sa pamamagitan ng inilaang pondo.


Ang salaping pondo ay napakahalaga para sa food security ng bansa sa harap ng kasalukuyang krisis sa pangakalusugan dulot ng COVID-19.


Samantala, inaprubahan sa naturang Komite ang House Bill 4626 na inihain  ni Bataan Rep Geraldine Roman na naglalayong magtatatag sa Dinalupihan Rice Development Center.