Sa botong 245, nagkakaisang ipinasa ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pangatlo at huling pagbasa noong Lunes ang House Bill 6756 o ang Medical Service and Return Service (MSRS) Program Act.
Sinabi ni Baguio City Rep Mark Go, pangunahing may akda ng panukala, na layunin ng batas na tulungan ang may-kakayahang mga mag-aaral para maging ganap na manggagamot.
Sa ilalim ng batas, kasama ang pinansyal na ayuda tulad ng (a) libreng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, (b) pambayad sa mga libro, school supplies at kagamitan, (c) damit, tirahan at pamasahe, (d) pambayad sa internship, (e) pambayad sa medical board review, at (f) pambayad sa taunang medical insurance.
Ang mga itinalagang ahensya para mamahala sa bilang ng mga scholars na tatanggapin sa naturang programa ay ang Commission on Higher Education, Department of Health, State Universities and Colleges, at mga pribadong institusyon ng mataas na paaralan.
Layon ng batas na dumami ang mga manggagamot at mapaunlad ang serbisyong pangkalusugan sa bansa lalo na sa panahon ng pandemya at panganib.