Pinag-aaralan na ng mga health experts ang potensiyal ng virgin coconut oil bilang posibleng lunas sa COVID-19 gayundin kung maaari ring gamitin ang abaca fiber bilang face mask.
Ito ang inihayag ni AKO Bicol Partylist Rep Alfredo Garbin na sinabing ang industriya ng niyog sa Bicol at iba pang rehiyon ay dapat hindi na pakawalan ang oportunidad sa kapakinabangan ng virgin coconut oil at ng abaca fiber lalo na kung mapatunayang epektibo ito.
Ayon kay Garbin, dapat imobilisa ang industriya ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Department of Agriculture at Philippine Coconut Authority (PCA), katuwang ang mga Local Government Units (LGUs).
Idinagdag pa nito na hindi lamang ang Pilipinas ang nakakapag-prodyus ng niyog sa buong mundo at marami ring kakumpetensya ang bansa kaya dapat magkaroon ng tamang istratehiya para sa ikauunlad ng industriya ng niyog at kung makagagamot ito sa COVID/19 ay mas lalong makabubuti.
Iginiit pa ng solon na paligsahan na ito sa niyog at dapat tayo ay manalo dito sa ngalan ng milyun-milyong coconut farmers sa ating bansa at para sa kanilang mga pamilya.