Hinihikayat sa Kamara de Representantes ang bawat pamilyang Pilipino na makilahok sa pangangalaga ng kalikasan sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19.
Ito ay sa pamamagitan ng isang panukalang batas na kakapasa pa lamang sa ikatlo huling pagbasa, ang HB06930 o ang “Family Tree Planting Act.”
Nagkakaisang ipinasa ng mga mambabatas sa plenaryo ang panukala na iniakda ni ParaƱaque City Rep Eric Olivarez.
Layunin ng panukala na atasan ang mga magulang na magtanim ng dalawang puno sa bawat ipapanganak na sanggol sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito, ipinasa rin ang HB06931 o ang “Graduation Legacy for Reforestation Act,” na iniakda ni Magdalo partylist Rep Manuel Cabochan III na may layuning atasan ang lahat na graduating high school at college students na magtanim ng dalawang puno bawat isa bilang isang makabayang tungkulin para sa proteksyon at pangangalaga ng kalikasan.
Samantala, ipinasa rin ng mga mambabatas ang HB07302 na iniakda ni Muntinglupa City Rep Rozzano Rufino Biazon na naglalayong patibayin ang disability pension ng mga beterano.
Gayundin ang HB07320 na iniakda ni Diwa partylist Rep Michael Edgar Aglipay na nag-aatas sa lahat na ahensya ng pamahalaan na ilagay ang tipo ng dugo o blood type ng bawat indibidwal sa lahat ng ligal na dokumento tulad ng Identification Cards, Certificates at mga lisinsiya.