Pumasa na sa pangalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang sertipikado bilang urgent proposal ni Pangulong Rodrigo Duterte na HB06953 o Bayanihan to Recover as One bill na kilalanin bilang Bayanihan 2 .
Sinabi ni Deputy Speaker Luis Raymund LRay Villafuerte Jr. na ang panukalang ito na maglalaan ng pondong P162-bilyon na subsidiya ay may layuning pabilisin ang recovery ng economic sector ng bansa na lubhang naapektohan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Villafuerte, bagamat ang panukala ay may limitadong funding lamang, lilikha ito ng isang multiplier effect sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng paggawad ng supplementary grants para sa COVID-19 testing, cash-for-work programs, repatriation at reintegration ng mga OFW, subsidiya sa transport sector, tourism, MSMS, ganun na rin sa agriculture at informal sectors.
Idinagdag pa ng mambabatas na, sa pamumuno nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, ang panukala ay umani ng buong suporta ng mga mambabatas sa Kamara sa lahat ng mga political party at mga partylist group.