Tinalakay ng Committee on Food and Agriculture ng Kamara de Representantes nitong Biyernes ang panukalang magtatatag ng isang pambansang programa para sa industriya ng cacao at kape upang matiyak ang kaseguruhan ng pagkain mula sa nararanasang krisis sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Chairman ng Komite na si Rep Wilfrido Mark Enverga ng lalawigan ng Quezon na ang tinalakay nilang mga panukalang batas ay naglalayong patatagin at palakasin ang industriya ng cacao upang maihanay ang kalidad nito sa pandaigdigang merkado.
Tinalakay din ng Komite ang iilang mga panukala na naglalayong magtatag naman ng isang pambansang programa para sa industriya ng kape.
Ayon kay Department of Agriculture DA Undersecretary Evelyn Lavina, maituturing na high-valued crops ang Cacao at Kape sa ilalim ng Republic Act 7900.
Dahil dito, tiniyak ni Lavina na kanilang susuportahan ang nasabing panukala na ayon sa kanya ay hindi pa naaabot ng cacao at kape mula sa bansa ang pandaidgang potensyal nito sa merkado.