Tuesday, August 11, 2020

-Online sexual exploitation sa mga kabataan sa panahon ng pandemya, iimbestigahan sa Kamara

Nangangamba si Tingog partylist Rep Yedda Marie Romualdez, Chairperson ng Komite ng Welfare of Children sa Kamara sa nakababahalang pagdami ng kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) at ang biglaang pagdami ng mga mapagsamantala ngayong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Dahil dito ay nangako ang mambabatas na pangungunahan niya ang pag-iimbestiga para makapagpasa ng mga batas upang tugisin at papanagutin ang mga umaabuso sa mga kabataan.


Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Romualdez na bago pa nagkaroon ng pandemya ay laganap na ang mga ulat sa bansa ng abusong sekswal na nagaganap sa mga kabataan.


Ayon pa sa kanya, nagiging sentro na ng OSEC ang bansa at ito ay labis na nakakabahala.


Idinagdag pa ng solon na ng paglaganap ng OSEC ay maiuugnay umano sa malawakang kahirapan ng buhay sa bansa.


Maraming mga magulang ang nagbubulag-bulagan at hinahayaan lamang ang panganib na dulot ng OSEC dahil sa paniniwalang wala naman umano itong pisikal na epekto sa mga kabataan dahil ginagawa lamang ito sa pamamagitan ng virtual act, kapalit ng maliit na kabayaran, ani Romualdez.


Subalit sa katotohanan ay nakakapagdulot ang OSEC ng panganib na nagreresulta sa malubhang traumang sikolohikal na pang habambuhay sa mga kabataan, nagiging sanhi ng pagkabaliw at paminsan ay nagiging sanhi ng pagpapatiwakal.


Bukod pa rito ay nakakaranas din ang mga kabataang biktima ng sari saring uri ng pag-abuso tulad ng paggawa ng mga materyales kung saan ay ipinagagawa sa mga kabataang ito ang mga karumaldumal na sexual act ng mga abusado tulad ng mga pedopilya.


Matinding suporta naman ang inihayag ng mga Miyembro ng komite sa paglaban ng mga mambabatas sa OSEC.