Hinimok ni AnaKalusugan Rep Mike Defensor ang Department of Health na gawing available sa publiko ang pangalan ng mga taong nag-positibo sa COVID-19.
Sa isinagawang hearing kahapon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, iminungkahi ni Defensor ang pag-release ng mga pangalan sa pamamagitan ng Facebook dahil karamihan naman daw ng mga Filipino ay gumagamit ng social media platform na ito.
Sinabi ng solon na hindi naman sa sila ay hinihiya, hindi rin sa sila ay kinukutya sa publiko at lalong rin hindi sa sila ay dini-discriminate, bagkus, yung paglabas ng kanilang mga pangalan ay makakatulong sa ibang mga tao na nakahalubilo at nakausap nila.
Tugon naman ni DOH National Capital Region Director Dr. Corazon Flores na ang mga pangalan ng COVID-positive patients ay binibigay lamang sa mga contact tracers upang maiwasan ang violation sa Data Privacy law.
Ayon naman kay Defensor, kung maisa-publiko ang mga pangalan, madaling i-determina o tukuyin kung saan nakapunta ang tao.
At bilang tugon, sinabi ni Flores na dadalhin niya ang mungkahi ng mambabatas sa kanyang mga superior.