Monday, August 17, 2020

-Katiwalian ng mga PhilHealth officials, nabulgar sa Kamara sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito

Ipinagpatuloy ng Committee on Public Accounts and Good Government at ng Committee on Public Accountability ang kanilang joint inquiry kahapon hinggil sa diumano’y katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporatio o PhilHealth, partikular na rito ang pamamaraan ng pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nagbanta si Committee on Public Accounts  Chairman at AnaKalusugan partylist Rep Michael Defensor na magsasampa siya ng kaso laban sa mga concerned PhilHealth officials kung kanilang mapatunayan na ang IRM ay ginagamit sa ibang kasong medikal gayung ito ay nakalaan lamang para sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.


Ayon naman kay Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers, ang paggamit umano ng pondo sa IRM para sa cash advances ay nangangahulugan ng isang technical malversation at ang paggamit ng pampublikong pondo upang ipambayad sa mga pribadong ahensya na hindi pa naman din nakakapagbigay ng serbisyo at nakakapag-deliver ng supplies ay isang malinaw na paglabag sa batas.


Samantala, kinuwestyon ng ilang mga mambabatas ang pagsama ng dialysis at panganganak sa IRM at dahil dito, ipinaliwanag naman ni PhilHealth Senior Vice President Francis Pagas na ang IRM ay inilaan lamang para sa pagtugon sa pandemya.


Sinabi naman ni Cavite Rep Elpidio Barzaga, Jr. na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara ay nalalayon lamang na ayusin ang pamamalakad ng PhilHealth para maibalik ang tiwala ng sambayanan na nawala dahil sa usapin ng katiwalian sa naturang ahensya.