Maituturing na tagumpay ang 11th ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus na ginanap noong Biyernes dito sa Pilipinas kung saan ay tinalakay ang mga usapin na nangangailangan ng aksyon ng lehislatura para patuloy na palakasin ang ekonomiya ng rehiyon kahit pa matapos na ang pandemya.
Ang Kamara de Representantes ng Kongreso na pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang nagsilbing host sa matagumpay na AIPA Caucus na nagtapos sa virtual signing ng inaprubahang 11th AIPA Caucus Working Group Report na naglalaman ng mga ulat ng bawat bansa kung papaano tinugunan ng kani-kanilang lehislatura ang suliraning idinulot ng COVID-19 pandemic.
Ang ika-11 AIPA Caucus ay may temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic.”
Pinuri ni Chairperson ng Komite ng Foreign Affairs sa Kamara, Rep Ann Hofer ng Zamboanga Sibugay, Chairperson ng Working Group ang matagumpay na resulta ng caucus sa kabila ng mga limitasyon sa mga miyembro ng parlyamento na likha ng pandemya.
Humanga si Hofer sa malayang palitan ng mga impormasyon at mahahalagang suhestyon at ideya mula sa mga delegado.
Sa pageawakas ng caucus, binigyang-halaga ni Rep Stella Luz Quimbo ng Marikina City, taga-ulat ng Philippine Country Report sa Caucus Working Group, ang pangangailangan ng data-driven at evidence-based policy and legislation sa harap ng krisis.