Upang matiyak ang hayagang pamamahala sa pangkalusugan sa panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19, nagsanib ang dalawang Komite sa Kamara, ang Public Accounts at ang Good Government and Public Accountability, upang pagpaliwanagin ang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa umano’y katiwalian sa pamamahala nito.
Kinuwestyon ni Rep Michael Defensor, Chairman ng Committee on Public Accounts sa Kamara ang Philhealth sa hindi magkakatugmang datos mula sa kanilang tanggapan at sa isinumiteng ulat ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) hinggil sa halaga ng paggagamot at bilang ng mga maysakit at nagkasakit.
Sa naturang imbestigasyon, sinabi ni Defensor na batay sa isinumiteng ulat ng Commission on Audit, kwestyonable ang sobrang binayaran ng Philhealth simula pa noong 2013 na nagkakahalaga na ng P153 Bilyon.
Dahil dito ay nais ng mambabatas na masampahan ng kasong plunder ang lahat ng mga opisyal at kawani ng naturang tanggapan na sangkot sa anomalya.
Samantala, sang-ayon naman ang mga opisyal at kawani ng Philheath na dumalo sa imbestigasyon na sumailalim sila sa waiver upang masilip ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ang kanilang mga transaksyon sa bangko at bank accounts.
Pinamunuan naman ni Rep Jose Antonio Sy-Alvarado ng lalawigan ng Bulacan ang Committee on Good Government at Public Accountability.