Inaprubahan sa Committee on Higher and Technical Education ng Kamara de Representantes ang iba’t ibang mga panukala na naglalayong isulong ang karapatan ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan at edukasyong teknikal sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga inaprubahang panukala ay ang House Bill 6851 na naglalayong magtatag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Training Centers sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Benguet.
Aprubado rin sa Komite ang House Bill 6502 upang gawing isang State University ang Bulacan Agricultural State College, gayundin ang House Bill 6800 na magtatatag ng satellite campuses ang University of Eastern Philippines sa iba’t ibang bayan ng Northern Samar.
Samantala, tatalakayin sa susunod na pagpupulong ang House Bill 6896 na naglalayong magtatag ng Maguindanao State University.
Binuo naman ng Komite na pinamumunuan ni Rep. Marko Go ang isang Technical Working Group (TWG) upang pag-isahin ang mga panukalang batas na nagsusulong ng pangkalahatang karapatan at kaligtasan ng mga mag-aaral.