Ini-ulat ng mga kinatawan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas AFP mula sa Eastern Mindanao Command (EastMinCom) at Western Mindanao Command (WestMinCom), Philippine National Police (PNP), at Mindanao Development Authority (MinDA) ang kalagayan ng kapayapaan at kaunlaran sa bahagi ng Katimugan ng Pilipinas sa pagpupulong ng Komite ng Mindanao Affairs sa Kamara kamakailan lamang.
Sa kanilang presentation, inilarawan ni PNP Police Col. Eduardo Adabay ang mababang datos ng krimen sa rehiyon nitong panahon ng pandemya.
Idinagdag pa niya na ang patuloy na pagsasagawa ng mga operasyon ng pamahalaan laban sa krimen ang nagpapahina sa mga kriminal at mga terorista sa Mindanao.
Samantala, pinahayag naman ni MinDA Secretary Emmanuel Piñol na ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa mga ipinatutupad na programa ng gobyerno ang susi ng maunlad at mapayapang Mindanao.
Iprinisinta ni Piñol sa pagpupulong ang Peace, Productivity and Poverty Reduction Framework Plan ng MinDA na naglalayong isulong ang pangkalahatang kaunlaran ng Mindanao sa ekonomiya habang kasabay na isinusulong ang kapayapaan sa rehiyon sa panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19.
Ang Komite nagsagawa ng pagdining ay pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo.