Sinupurtahan ng Joint Committees on Public Accounts and Good Government at ng Public Accountability sa Kamara ang pagsususpendi ng mandatory contribution ng mga OFWs sa PhilHealth upang pansamantalang bigyang-kaluwagan ang mga manggagawang Overseas Flipinos sa nararanasang hirap sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Ang deliberasyon ay bilang pagpapatuloy ng pinagsanib na imbestigasyon ng dalawang komite sa umano’y katiwalian sa loob ng PhilHealth.
Naniniwala si Committee on Public Accounts Chairman Rep Michael Defensor na paninindigan ng dalawang komite ang kanilang suporta na huwag mangolekta at huwag piliting magbayad ang mga OFWs ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth.
Dahil dito, aamiyendahan aniya nila ang Republic Act 1123 o ang Universal Health Care Act upang mas bigyang kahalagahan ang mga ito kesa sa ibang direct contributors.
Sa ilalim ng planong amiyenda, aatasan ng batas ang PhilHealth, sa pakikipag-uganayan sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at iba pang konektadong ahensiya, kasama na ang mga pribadong tanggapan, na magpairal ng hiwalay na patakaran hinggil sa mga kontribusyon ng mga land-based at sea-based na manggagawa.
Ang nasabing patakaran ay dapat na magbibigay ng prayoridad sa mga OFWs at titiyaking makakamit nila ang pinakamahusay na benepisyong pang medikal.
Ang panukalang amiyenda ay dadalhin sa House Committee on Health para ito ay pinal na maaprubahan.