Tiniyak ng Committee on Dangerous Drugs sa Kamara de Representantes ang kaligtasan ng mga kawani at opisyales ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang patuloy na tinutupad ng mga kawani nito ang kanilang mga tungkulin at operasyon sa kampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Rep Robert Ace Barbers, Chairman ng Komite, na isinusulong nila sa Mababang Kapulungan ang pagtatatag ng Magna Carta for Drug Enforcement Officers and Other Personnel of PDEA.
Sa ilalim ng mga panukalang kanilang tinalakay, ang House Bills 73, 2248 at 3233, titiyakin ng Magna Carta ang kanilang kaligtasan bilang pangunahing ahensya na gumaganap ng mapanganib na tungkulin sa pagsugpo ng iligal na droga sa gitna ng pandemya.
Batay sa mga datos, umabot sa 1,383.87 kilo ng Shabu ang kanilang nakumpiska mula Marso hanggang Hunyo 2020.
Sa mga inihaing panukala ng mga mambabatas, nais nilang magarantiya ang katiyakan sa trabaho ng mga kawani nito upang patuloy na mapalakas ang kampanya laban sa iligal na droga kahit nasa ilalim pa ng krisis ang bansa dahil sa pandemya.
Pamumunuan ni Rep Edgar Mary Sarmiento ang binuong Technical Working Group (TWG) na naglalayong pag-isahin ang mga magkahalintulad na panukalang batas, samantala, pamumunuan naman ni Rep Leonardo Babasa, Jr. ang pag-iisa ng House Bills 5405 at 5804 na naglalayong magtatag ng Anti-Drug Abuse Councils sa buong bansa.