Monday, August 24, 2020

-Hindi na pagbabayarin ng Meralco ang mga lifeline consumer sa harap ng pandemya

Tiniyak ni Meralco President at CEO Ray Espinosa sa Committee on Good Government and Public Accountability sa pagdinig nito na hindi na nila pagbabayarin ang mga lifeline consumers na kumukunsumo ng hindi lalagpas sa 100 kilowatt per hour kada buwan bilang pagtalima sa panawagan ni Speaker Alan Peter Cayetano sa mga nakaraang pagdinig na isinasagawa sa Kongreso para sa may 2.77 milyong kabahayan sa bansa.

Ang isinagawang pagdinig ay bilang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Komite na pinamumunuan ni Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado hinggil sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng kuryente at madalas na pagkawala ng ilaw sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19, lalo na noong idineklara ng pamahalaan sa bansa ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ).


Dahil sa masigasig na pagtatrabaho ng Kongreso ay hindi na rin magpuputol ang Meralco ng koneksyon ng kuryente mula ika-30 ng Setyembre hanggang ika-31 ng Oktubre, 2020 upang bigyan pa ng panahon ang mga consumer na mabayaran ang kanilang konsumo noong mga nakalipas na buwan.