Habang nilalayon ng bansa ang katiyakan sa maayos at murang enerhiya sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic, tinalakay ng House Committee on Energy ang panukala na naglalayong itatag ang Philippine Energy Research and Policy Institute (PERPI).
Ang PERPI ay itatatag sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ng University of the Philippines (UP).
Tinalakay sa Komite na pinamumunuan ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco ang lahat ng mga inirekomendang amyenda sa panukala tulad ng pagsasama ng kontribusyon ng pamahalaan sa pondo para sa research.
Ang gobyerno ay magbibigay ng subsidiya sa pamamagitan ng halaga na irerekomenda ng UP bilang bahagi ng pondong ilalaan sa pagsasaliksik ng PERPI.
Bukod dito, aatasan din ang mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa research para sa enerhiya na isama sa kanilang taunang pondo ang sapat na pondo para sa kanilang kontribusyon sa mga gagawing pagsasaliksik ng PERPI para sa kanila.