Lusot na sa House Committee on Labor Standards ang Eddie Garcia Bill o ang panukala na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula, telebisyon at radyo sa bansa.
Pumasa ang substitute bill ng panukala matapos itong dumaan sa masusing deliberasyon at mga amiyenda na ibinatay din mula sa ibat-ibang panukala na inihain ng mga mambabatas kaugnay sa usapin.
Partikular ang HB 6157 na iniakda ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia bilang working measure sa inaprubahang substitute bill.
Kabilang sa mg probisyong nakapaloob dito ang hinggil sa oras ng pagtatrabaho at kondisyon ng mga manggagawa sa industriya na menor de edad at mga senior citizen.
Ang aprubadong Eddice Garcia Bill ay dadalhin na sa mother committee sa Kamara na pinamumunuan ni 1-Pacman partylist Rep Enrico Pineda para ipasa sa pangalawang pagbasa sa plenaryo.
Kasama rin sa mga may akda ng panukala sina Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte Jr. at Michael Romero, Reps Precious Hipolito Castelo at iba pang mga mambabatas.