Monday, July 13, 2020

Rep Vilma Santos-Recto, handang harapin kung anuman ang maging kahihinatnan sa kanya sa pabor niyang boto sa ABS-CBN franchise

Sinabi ni Deputy Speaker at Batangas Rep Vilma Santos-Recto na haharapin niya kung anuman ang maging kahihinatnan ng kanyang pagboto ng pabor sa franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.
Ayon kay Santos-Recto, nangyari na umano ito sa kanya noong bomoto siya ng ‘no’ sa death penalty dahil sinabi daw sa kanya na kailangan masuportahan ang major bill na yon at sa kasawiang palad ay inalis ang chairmanship ng committee dahil nanindigan siya sa boto niyang ‘no’ doon.
Inalis siya bilang House Committee on Civil Service and Professional Regulation chairperson noong inaprubahan ng 17th Congress ang Death Penalty Bill noong 2017.
Ngunit wala pa naman daw pasabi hinggil sa parusa galing sa House Leadership sa gitna ng espekulasyon na ang mga bomoto ng pabor sa franchise ay ipi-penalize.
Samantala, sinabi naman ni Legislative Franchises Committee Chairman at Palawan Rep Franz Alvarez na naging pinal na ang desisyong tanggihan ang franchise application dahil wala naman umanong miyembro ng Kamara ang nag-move for reconsideration matapos ang 24 oras.