Humingi ng saklolo si Cebu City 2nd District Rep. Rodrigo Abellanosa sa Department of Health (DOH) na tugunan ang kakulangan ng health workers, ambulansya at medical supplies sa lalawigan kasunud na rin ng patuloy na paglobo ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Abellanosa dapat na agad nang umaksyon ang DoH para mapigilan ang pagdami pa ng covid cases.
Ang apela ay ipinarating din ni Abellanosa sa Cebu Medical Society.
Sinabi naman ni Environment Secretary Roy Cimatu, na siyang nangangasiwa sa COVID-19 response sa Cebu City, na 30 percent dagdag na health worker ang kailangan sa lalawigan at inirekomenda din nya na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong lalawigan.
Sinabi nito na ang isolation centers na inilagay sa mga barangay ang siyang nagbigay daan para tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Cebu kaya naman kanilang ililipat sa mas malayong mga lugar ang isolation centers.
Dinepensahan din ni Cimatu ang pagtatalaga ng dagdag na military personnel sa lalawigan na nakatutulong umano sa pagbabantay ng mga checkpoints para mabantayan ang mga residente na patuloy na lumalabas ng kanilang mga bahay.
Samantala, isinulong naman ni Abellanosa ang pagsasabatas ng House Bill 7005, o ang Mandatory Quarantine Facilities Act of 2020 na naglalayong magtayo ng Regional quarantine facilities.