Iminungkahi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session para maipasa ng Kongreso ang P1.3 trilyong economic stimulus bill na magagamit upang mabilis na mapaangat ang ekonomiya.
Marapat lamang umano na sa lalung madaling panahon ay maipasa ang economic stimulus package na ito upang matulungan ang ibat ibang mga sektor na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Hindi na dapat hintaying umabot pa sa Agosto matapos mag-convene ang Kongreso para aksiyunan ang naturang inisyatibo dahil ang oras ay mahalaga.
Ayon kay Rodriguez mahalaga na matulungan ang mga apektadong sektor upang hindi na lalong lumala pa ang problema ng bansa.
Inaprubahan na ng Kamara de Representantes ang economic stimulus package na Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) bill bago nag-adjourn ang session noong nakaraang linggo.
Nakasaad sa panukala ang paglalagay ng pondo para sa cash for work upang tulungan ang mga nawalan ng trabaho, pautang para sa Micro, Small, and Medium Enterprises gayundin sa agriculture and fishery sector.
May nakalaan din dito na P650 bilyon para sa enhanced Build, Build, Build infrastructure program ng Duterte administration sa susunod na taon.