Pinai-imbestigahan ng mga lider ng Kamara de Representantes ang kalituhan at matagal na pamimigay ng pondong social amelioration program sa mga mahihirap na pamilya.
Batay sa House Resolution 973 na kanilang inihain, nais din nila na humanap ng paraan upang mapabilis ang pamimigay ng ikalawang tranche ng SAP.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nanguna sa paghahain ng resolusyon, kailangang tulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapadali ang paghahatid nito ng tulong sa mga mahihirap na pamilya.
Ang mabagal na pamimigay umano ng SAP ay taliwas sa prinsipyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng mabilis at maayos na serbisyo sa publiko.
Nais ng resolusyon na silipin ang 30 steps at limang layer of approval na ginamit ng DSWD sa pamimigay ng unang tranche ng SAP na nagkakahalaga ng P5,000-P8,000 bawat pamilya.
Nagpatupad umano ang DSWD nahindi kinonsulta ang mga LGU base sa bilang ng 2015 national census
Dahil sa limitadong bilang ng nais na tulungan ng DSWD, nagkagulo umano ang mga lokal na pamahalaan kung sino ang uunahing bigyan dahil hindi lahat ay maaaring bigyan.
May mga tama at maling pamamaraan sa pagtulong sa ating mga kababayan. Dapat tignan natin kung paano mai-improve, hindi lang ung SAP, kundi pati ang 4Ps, at mga assistance sa mga biktima ng sakuna,” dagdag pa ni Cayetano.
Kasama ni Cayetano na naghain ng resolusyon sina House Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte Jr. (Camarines Sur), Raneo Abu (Batangas), Dan Fernandez (Laguna), Neptali Gonzales II (Mandaluyong), at Representatives Theresa Collantes (Batangas), Cristal Bagatsing (Manila), Ruth Mariano-Hernandez (Laguna) and Manuel Luis Lopez (Manila).