Wednesday, June 24, 2020

Pagpaparehistro ng mga online seller sa BIR at pagpapabayad ng income tax ng mg ito, hiniling na ipagpaliban

Hiniling ni Quezon City Rep Precious Hipolito-Castelo sa Bureau of Internal Revenue na ipagpaliban muna nito ang memorandum circular na inaatasan ang mga online seller na magparehistro at magbayad ng income tax at iba pang buwis.
Sa isang resolusyon na inihain ni Castelo, sinabi nito na dahil sa community quarantine restrictions na ipinatutupad bunsod ng Covid-19 pandemic, hindi maipagkakaila na ang e-commerce nag-boom dahil maraming mga negosyo ang nag-shift mula sa traditional o face-to-face selling tungo sa online o digital selling.
Ayon kay Castelo, maraming umusbong na mga maliliit na negosyo dahil sa pandemya kagaya ng pagbibenta at delivery ng mga pangangailangan ng komunidad.
Marami pa ring takot na lumabas sa kani-kanilang mga bahay kaya bumibili na lamang ang mga ito sa online businesses.
Sa inilabas umanong memorandum ng BIR maaaring marami ang hindi na lamang magtinda sa takot na mas malaki pa ang ibayad nilang buwis kaysa sa kanilang kikitain.
Pagkatapos umano ng pandemya, maaaring tsaka na lamang ituloy ng BIR ang pagpaparehistro sa mga online sellers.