Nanawagan si House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na tanggalin na ang ‘provincial bus ban’ pang mabilis na makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakadapa nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagbabala rin si Salceda laban sa mga “mapagsamantalang gawain” ng ilang kasapi sa sektor ng transportasyon, lalo na sa sobrang taas ng singil sa pamasahe.
Napakasamang panahon ito upang manlamang tayo sa kapwa natin, diin niya.
Sinabi ni Salceda na ang ‘provincial bus ban’ ngayon ay lalo lamang nagdadagdag pahirap sa mga taong kailangang makapagtrabaho.
Ayon sa kanya, hindi umano tayo nakakakilos dahil walang masakyan kaya hindi makakabangon ang ating ekonomiya.
Ang mga mamamayan ang makina ng ekonomiya aniya at kung hindi sila makakagalaw, hindi rin kikilos, susulong at babangon ang ating ekonomiya.
Basta panatilihin natin aniya ang akmang mga pangkalusugang pamantayan, hayaan nating makakilos ang mga mamamayan.
Dapat daw konsiderahin din ang makabuluhang ‘transport system’ na kailangan ng mga pasahero.