Ipinanukala ni House Ways and Means Committee chairman at Albay Rep Joey Salceda sa pamahalaan na humiram muna ito ng pera upang mabawasan ang ‘budget gap’ nito na dulot ng COVID-19 pandemya, at ipasa ng Kongreso ang mga proposal sa pananalapi para mabayaran ang mga uutangin.
Sinabi ito ni Salceda matapos niyang punahin ang ‘budget deficit’ ng bansa sa unang limang buwan ngayong 2020 na ayon sa kanya ay umabot na sa P562.2 bilyon, halos 695 na beses ang laki kaysa sa P809 milyong budget gap, sa kagayang panahon noong nakaraang taon.
Batay sa ulat ng Bureau of the Treasury (BTr), umabot na sa P1.665 trilyon ang nailabas ng gobyerno at patuloy itong lumulobo, habang ang kita naman nito ay bumagsak sa P1.102 trilyon noong katapusan ng Mayo.
Ayon sa ekonomistang mambabatas, nangyayari ang budget deficit kapag higit na malaki ang gastos kaysa perang pumapasok.
Idinagdag pa niya na may ilang revenue measures na nakahain sa Kamara na makakatulong para isulong ang credit rating ng Pilipinas upang makautang ito ng may higit na mababang patong na interes.
Kasama sa mga ito ang panukalang buwis sa digital economy na inihain niya kamakailan at inaasahang magbibigay ng P29.1 bilyon sa pamahalaan, at ang panukalang buwis sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na magbibigay naman ng P45 bilyon sa gobyerno taun-taon.