Sunday, June 21, 2020

Gigisahin ng Kamara ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa sablay na pamamahagi ng ayuda sa gitna ng COVID-19 pandemic

Naghain ng House Resolution (HB) 973 si Speaker Alan Peter Ca­yetano upang alamin kung ano ang naging sanhi sa mabagal na distribusyon ng Special Amelioration Program (SAP) cash subsidy sa mga mahihirap na naapektuhan ng COVID crisis.
Gayundin upang hindi na maulit pa ang insidente at mapabilis na ang pamamahagi ng ikala­wang tranche ng cash aid ng pamahalaan sa mga nawalan ng trabaho, mga nagugutom na mahihirap na pamilya lalo na sa Metro Manila.
Ipinahihimay ni Caye­tano ang mabagal at mahabang paraan ng DSWD na aniya’y naging kumplikado sa unang sigwada ng SAP distribution kung saan may 30 steps at 5 layers of approval na tumagal ng tatlong linggo.
Samantalang marami rin umano ang tumanggap ng ayuda na hindi kuwa­lipikado habang ang mga nangangailangan ay nai­tsapuwera sa cash subsidy.
Sa ilalim ng “Bayanihan to Heal as One Act” ay ipamimigay ang emergency subsidy na nagkakahalaga mula sa P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa may 18 milyong low income households sa loob ng dalawang buwan.
Gayunman ang pamamahagi ng 2nd tranche ng ayuda para sa Mayo hanggang Hunyo ay hindi pa naibibigay.