Umapela na naman ang ABS-CBN president at CEO na si Carlo Katigbak sa Kamara de Representantes na itrato ang kanilang channel gaya ng pagtrato nito sa ibang channel ng mag-aplay ng legislative franchise ang mga ito.
Ginawa ni Katigbak ang apela sa joint hearing ng House committees on Legislative Franchise at on Good Government and Public Accountability kung saan iginiit ng ilang kongresista na dapat itigil na ang TVplus at SkyCable kung saan umere ang mga programa ng ABS-CBN 2.
Ikinatuwiran ni Katigbak ang 11 milyong subscribers na tumatangkilik umano sa kanilang TVplus at SkyCable at kung pinutulan ng serbisyo ang mga ito ay halos aabot 55 milyong katao ang mawawalan ng access sa kanilang entertainment, news at impormasyon.
Ayon kay Katigbak may mga channel na pinayagan ng House na magpatuloy ang operasyon habang dinidinig pa ang aplikasyon nito na magkaroon ng prangkisa.
Nais ng ilang mambabatas na ihinto ng ABS-CBN ang pagpapalabas ng mga programa nito gamit ang TVplus, isang digital box na tumatanggap ng digital signal para lumabas ito sa telebisyon.