Thursday, June 04, 2020

Accelerated recovery and investment stimulus for economy o ARISE, itinutulak sa Kamara

Pinahayag ni House Ways and Means Chair Albay Rep. Joey Sarte Salceda na itulak at palakasing muli ng P1.3 trilyong pondo ng Accelerated Recovery and Investment Stimulus for the Economy (ARISE) ang gulong ng ekonomiya ng bansa upang makabawi sa pagkalugmok dulot ng pananalasa ng COVID-19.
Sinabi ni Salceda na ang ARISE na dating Philippine Economic Stimulus Act o PESA ay isa sa may mga pinakamalaking suporta sa mga batas na inihain sa mababang kapulungan kamakailan, dahil sa umabot sa 267 ang co-authors nito.
May P586 bilyon sa pangkalahatang halaga ang nakatoka para sa taong 2020 at P10 bilyon naman nito ay gagastahin sa malawakang ‘testing’, upang pawiin ang alinlangan at takot ng publiko, lalo na sa hanay ng mga manggagawa.
Inaprubahan kaagad ng Defeat COVID-19 ADHOC panel ng nagdaang linggo ang ARISE para sa plenaryo.
Ayon kay Salceda, co-chair ng Economic Stimulus Package subcommittee ng Defeat COVID-19 panel, ang proposal ay naglalaman ng mahahalagang pamamaraan upang  makabangon ang ekonomiya at malunasan ang takot ng mga mamamayan sa pamamagitan ng  mga kongkretong pagkilos tungo sa matatag na kabuhayan.